Ang Paglalakbay ni FILI


Isang mahaba at nakapapagod na lakbayin na ang pinagdaan ng ating wikang pambansa. Kung tutuusin, tila paglalakbay ito na hindi alam kung may patutunguhan nga ba. Kasabay ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya, ay ang tila mabagal na pagsunod ng Wikang Filipino. Isa sa mga dahilan ay ang mismong hindi pagkakasundo ng mga akademisyan, mga linguista, mga namumuno sa Kagawaran ng Edukasyon at mismong mga Pilipino na rin.

Ilang ulit na nga ba ang naging pagbabago ng pamamalakad ng mga Kalihim ng Edukasyon hinggil sa wika na dapat gamitin sa pagtuturo sa mga mag-aaral?  Ang partikular na Kalihim ay magpapatupad na ang wikang Ingles ang dapat gamitin sa pagtuturo. Matapos masanay ang mga estudyante, mapapalitan ang kalihim ng isang taong ang ipapatupad naman ay ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagtuturo. Biglaang magbabago ng pagpapalakad. Kapag siya’y napalitan ulit, ibabalik ang paggamit ng Ingles sa pagtuturo. Ang lahat ay paulit-ulit lamang. Sa katunayan, dumating pa nga sa puntong sa asignaturang Filipino, ay puro panitikan na lamang ang itinuturo at wala na ang tungkol sa wika- ang tamang gamit ng mga salita, ang pangngalan, pang-abay at iba pa. Ang dahilan, naituro na raw iyon noong nasa elementarya pa lamang ang mga bata…

Ang mga akademisyan naman at linguista ay magkakaiba rin ng mga saloobin tungkol sa ating wika. Ang iba ay nananatiling mga “purista” o iyong mga malalamim managalog (na puspusang naghahanap ng Filipino na salita na katumbas sa salitang Ingles tulad ng chair-salumpuwit) at ang iba ay makabago na gagawing ang baybay ng isang salitang Filipino ay katulad din ng baybay ng salitang Ingles (ang salitang informative ay informativ sa wikang Filipino) at ang iba ay iyong sunud-sunuran lamang sa kung anong daloy ng pagkakataon.

Ang mga paaralan- elementarya, sekondarya at kolehiyo man ay nagkakaroon ng mga programang ang naisin ay mahubog ang kanilang mga mag-aaral na magsalita ng Ingles. Ito ay upang makasunod sa hamon ng pangkasalukuyang industriya ng call center. Ngunit sa kasamaang palad, bukod sa mga propesor na nagsisilbing balakid upang matupad ang ganitong hangarin (pagkat hindi lahat ay magaling magturo ng Ingles) tila ang media naman ang nagsisilbing hadlang upang matupad ito. Sa mga palabas na ipinakikita, at mga palatuntunang pangradyo, tila lalo lamang nawawalan ng dangal ang ating wika. Ipinanganak ang Taglish o ang pagsasalita ng magkahalong Ingles at Filipino. Ang resulta, isang Juan dela Cruz na hindi magaling magsalita sa Ingles at hindi rin naman magaling magsalita sa Filipino. Sa kabuuan, isang mangmang na Juan dela Cruz na hindi alam kung ano nga ba talaga ang kanyang wika.

Ang wika ay daynamiko, kaya’t patuloy na nagbabago. Tulad ng kung anong nangyari sa ating wika. Mula nang idineklara ni Pangulong Manuel Quezon noong 1935 ang Tagalog bilang wikang pambansa, na naging Pilipino naman noong dekada ’70, at nang kalaunan ay tinawag ng Filipino matapos maupo si Pangulong Corazon Aquino, hindi pa rin natin tukoy kung tayo, sa ating mga sarili ay maalam nga sa ating Wikang pambansa. Oo, marami na ngang nadagdag na salita sa ating bokabularyo, ngunit ang nakalulungkot, kahit na ang simpleng paggamit ng daw at raw, rito at dito ay pinagkakamali pa ng iba. Sa Senado, maging sa Kongreso ay pagtatawanan ka kapag sa iyong talumpati ay Wikang Filipino ang iyong gamit. Sa mga internasyonal na pagpupulong, pipilitin nating magsalita sa Ingles (oo, magaling nga naman tingnan kapag ganoon ang gagawin) samantalang ang mga karatig bansa natin ay bitbit ang kanilang mga interpreter…

Ngayong nalalapit na ang buwan ng Wikang Pambansa, (na dati ay isang linggo lamang kung ipinagdiriwang) patunayan natin sa ating mga sariling tayo ay tunay na Pilipino-maalam sa kanyang wika at hindi lamang puro salita. Huwag nating hayaang ang pagdiriwang na ito ay matapos hanggang sa mga patimpalak lamang sa pagguhit, pagsulat ng sanaysay o pagtatalumpati. Gamitin ang Wikang Filipino upang maabot ang mga kababayang tila nakalimutan na ng panahon, upang ipahatid sa pamahalaan ang mga naiising pagbabago, upang ipadama sa magulang at pamilyang mahalaga sila sa buhay mo, upang ipalaganap ang magandang balita ng kaligtasang bigay ni Hesus. Oo, gamitin ang Wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan at magsalita lamang ng Ingles kung kinakailangan o hinihingi ng pagkakataon. Kung ganito ang gagawin ng bawat Pilipino, masmabilis malulutas ang mga pambansang problemang tila wala ng solusyon. Ang kadahilanan, sapagkat buhay ang komunikasyon sa bawat isa. Di magtatagal, ang paglalakbay ni FILI ay magiging paglalakbay ng mga Pilipino tungo sa pag-unlad.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s